Pagsusuri ng Kanser sa Balat
Makatutulong kang malaman nang maaga ang kanser sa pamamagitan ng pagsusuri sa iyong balat bawat buwan. May 3 pangunahing uri ng kanser sa balat: melanoma, basal cell carcinoma, at squamous cell carcinoma. Pinakamahusay na paraan ang paggawa ng buwanang pagsusuri sa balat upang makita ang mga bagong marka, sugat, o mga pagbabago sa balat. Sundin ang mga tagubilin na ito sa pagsusuri ng iyong balat.
Ang ABCDE ng pagsusuri sa mga nunal para sa melanoma
Suriin ang iyong mga nunal o tumutubo sa balat para sa senyales ng melanoma gamit ang ABCDE:
-
Asymmetry (kawalan ng simetriya): Hindi tugma ang mga gilid o pagtubo ng nunal.
-
Border (gilid): Gula-gulanit, may gatla o malabo ang mga gilid.
-
Color (kulay): Nag-iiba ang kulay sa loob ng nunal o ang pagtubo. Maaari itong maging itim, kayumanggi, tan, puti, o mga shade ng pula, kulay-abo, o asul.
-
Diameter (diyametro): Mas malaki sa ¼ inch o 6mm ang nunal o ang pagtubo (sukat ng pambura ng lapis).
-
Evolving (nagbabago): Nagbabago ang laki, hugis, texture, o kulay ng nunal o ang pagtubo.
 |
Mga ABCDE ng mga nunal sa maputing balat. |
 |
Maaaring mas mahirap tukuyin ang mga ABCDE ng mga nunal sa maitim na balat. |
Pagsusuri para sa iba pang uri ng kanser sa balat
Nagdudulot ng mga sintomas ang basal cell carcinoma o squamous cell carcinoma tulad ng:
-
Isang batik o nunal na mukhang kakaiba mula sa iba pang marka sa iyong balat
-
Mga pagbabago sa nararamdaman sa isang bahagi, tulad ng pangangati, maselan, o pananakit
-
Mga pagbabago sa ibabaw ng balat, tulad ng pagtagas, pagdurugo o makaliskis
-
Isang sugat na hindi naghihilom
-
Bagong pamamaga, pamumula, o pagkalat ng kulay na lampas sa gilid ng isang nunal
Sino ang nanganganib?
Maaaring magkaroon ng kanser sa balat ang sinuman anuman ang kulay ng balat. Ngunit mas nanganganib ka kung mayroon kang:
-
Maputing balat na madaling magkaroon ng pekas at nasusunog sa halip na magkulay tan
-
Mapusyaw na kulay o pulang buhok
-
Mapusyaw na mga mata
-
Maraming nunal o abnormal na nunal sa iyong balat
-
May mahabang kasaysayan ng hindi protektadong pagkalantad sa sikat ng araw o mga tanning bed
-
Kasaysayan ng maraming paltos dahil sa sunburn bilang isang bata o tinedyer
-
Kasaysayan sa pamilya ng kanser sa balat
-
Nalantad sa radyasyon o mga kemikal
-
Panghihina ng immune system
-
Nalantad sa arsenic
Kung nagkaroon ka ng kanser sa balat sa nakalipas, mataas ang iyong panganib na magkaroon nito muli.
Paano suriin ang iyong balat
Gawin ang iyong mga buwanang pagsusuri ng balat sa harap ng isang salamin na kita ang buong katawan. Gumamit ng kuwarto na may maayos na ilaw para mas madaling makakita. Gumamit ng salamin na hinahawakan para tingnan ang mga lugar na mahirap makita gaya ng iyong puwitan at likod. Maaari mo ring ipagawa sa iyong pinagkakatiwalaang kaibigan o miyembro ng pamilya para gawin ang mga pagsusuring ito. Suriin ang bawat bahagi ng iyong katawan, kabilang ang iyong:
-
Ulo (tainga, mukha, leeg at anit)
-
Katawan (harap, likod, mga gilid, at sa ilalim ng mga suso)
-
Mga braso (itaas, ilalim, at kilikili)
-
Mga kamay (mga palad, likod at daliri, kabilang ang ilalim ng mga kuko)
-
Ibabang likod, puwitan, at ari
-
Mga binti (harap, likod at mga gilid)
-
Mga paa (ibabaw, mga talampakan, mga kuko sa paa, kabilang ang ilalim ng mga kuko at sa pagitan ng mga kuko)
Bantayan ang mga bagong batik sa iyong balat o isang batik na nagbabago ang kulay, hugis, at laki.
Kung marami ang iyong nunal, kunan ng mga digital na litrato ang mga ito kada buwan. Siguraduhing makuhanan ng mga litrato sa parehong malapitan at mula sa malayo. Makakatulong ito upang makita mo kung nagbago ang anumang nunal sa paglipas ng panahon.
Kilalanin ang iyong balat
Hindi kanser ang karamihang pagbabago sa balat. Ngunit kung may nakikita kang anumang pagbabago sa iyong balat, tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan. Sila lang ang makapagsasabi sa iyo kung ang pagbabago ay isang problema. Kung mayroon kang kanser sa balat, ang pakikipagkita sa iyong tagapangalaga ang maaaring unang hakbang sa pagkuha ng paggamot na maaaring makapagligtas ng iyong buhay.
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.