Health Encyclopedia
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Anemia

Nangyayari ang kondisyon na anemia kapag walang sapat na malulusog na pulang selula ng dugo (mga RBC) ang iyong katawan. Ang mga RBC ay ang mga bahagi ng iyong dugo na nagdadala ng oksiheno sa iyong buong katawan. Isang protina na tinatawag na hemoglobin ang nagbibigay-daan sa iyong mga RBC na sipsipin at ilabas ang oksiheno. Kapag walang sapat na RBC o hemoglobin, hindi makakakuha ang iyong katawan ng sapat na oksiheno. Kung gayon, maaaring mangyari ang mga sintomas ng anemia.

Cross section ng daluyan ng dugo na may normal na dami ng mga pulang selula ng dugo. Sa ibaba nito ay isa pang cross section ng daluyan ng dugo na ipinakikita ang napakakaunting pulang selula ng dugo dahil sa anemia.

Ano-ano ang sintomas ng anemia?

Ang ilang tao na may anemia ay walang sintonmas. Ngunit karamihan ng mga tao na may mga sintomas na mula sa katamtaman hanggang malala. Depende sa sanhi at kalubhaan ng anemia, maaaring mangyari ang mga sintomas nang dahan-dahan o mabilis. Kabilang sa mga ito ang:

  • Matinding pagkapagod (pagkahapo)

  • Panghihina

  • Maputlang balat

  • Kakapusan sa hininga

  • Pakiramdam na nahihilo o nahihimatay

  • Mabilis o hindi regular na tibok ng puso

  • Nahihirapang gumawa ng normal na dami ng aktibidad

  • Paninilaw ng iyong mga mata, balat, o bibig at matingkad na ihi (jaundice)

  • Pananakit ng ulo

  • Malalamig na mga kamay o paa

  • Pananakit ng dibdib

  • Tumitibok o humuhugong na tunog sa iyong mga tainga

Ano-ano ang dahilan ng anemia?

Maaaring mangyari ang anemia kapag ang iyong katawan ay:

  • Nawawalan ng napakaraming dugo

  • Hindi gumagawa ng sapat na mga RBC

  • Sinisira ang iyong mga RBC nang mas mabilis kaysa sa pagpapalit ng mga ito

  • Hindi gumagawa ng normal na dami ng hemoglobin sa iyong mga RBC

Maaaring mangyari ang mga problemang ito dahil sa maraming dahilan, kabilang ang:

  • Isang kondisyon nang isinilang ka (pagkasilang o namana). Kasama rito ang sakit na sickle cell o thalassemia.

  • Malakas na pagdurugo sa anumang dahilan. Kasama rito ang pinsala, operasyon, panganganak, o pati na rin ang malakas na regla.

  • Pagiging kulang sa ilang sustansya. Kabilang sa mga ito ang iron, folate, o bitamina B-12.

  • Ilang pangmatagalang (talamak) kondisyon. Kabilang sa mga ito ang sakit sa atay, diabetes, rheumatoid arthritis, o sakit sa bato.

  • Ilang malalang impeksiyon. Kabilang dito ang tuberculosis o HIV.

  • Kanser.

  • Pagkalantad sa ilang gamot. Kabilang dito ang mga gamot na pang-chemotherapy.

Mayroong iba't ibang uri ng anemia. Masasabi sa iyo ng tagapangalaga ng iyong kalusugan ang higit pa tungkol sa uri ng anemia na mayroon ka at kung ano ang maaaring naging sanhi nito.

Paano nada-diagnose ang anemia?

Upang ma-diagnose ang anemia, iuutos ng tagapangalaga ng iyong kalusugan ang mga pagsusuri ng dugo. Kabilang sa mga ito ang:

  • Complete blood cell count (CBC). Sinusukat ng pagsusuring ito ang dami ng iba't ibang uri ng mga selula ng dugo.

  • Blood smear. Tinitingnan ng pagsusuring ito ang laki at hugis ng iyong mga selula ng dugo. Upang gawin ang pagsusuri, tinitingnan sa mikroskopyo ang isang patak ng iyong dugo. Ginagamit ang mantsa upang mas madaling makita ang mga selula ng dugo.

  • Mga pag-aaral sa iron. Sinusukat ng mga pagsusuring ito ang dami ng iron sa iyong dugo. Kailangan ng iyong katawan ang iron upang gumawa ng hemoglobin sa iyong mga RBC.

  • Mga pag-aaral ng bitamina B-12 at folate. Tinitingnan ng mga pagsusuring ito ang ilang sangkap na tumutulong na magbigay sa mga RBC ng normal na laki at hugis.

  • Reticulocyte count. Sinusukat ng pagsusuring ito ang dami ng mga bagong RBC na ginagawa ng iyong (utak sa buto) bone marrow.

  • Hemoglobin electrophoresis. Tinitingnan ng pagsusuring ito ang mga problema sa iyong hemoglobin sa mga RBC.

  • Lactate dehydrogenase (LDH) at mga antas ng haptoglobin. Sinusukat ng mga pagsusuring ito ang dami ng mga substance sa iyong dugo na tinatawag na LDH at haptoglobin. Maaaring hindi normal ang parehong LDH at mga antas ng haptoglobin na may uri ng anemia na sumisira sa mga pulang selula ng dugo (hemolytic anemia).

  • Bone marrow aspiration at biopsy. Tinatapos ang mga pagsusuring nang sabay-sabay at sinusuri ang bone marrow kung saan ginagawa ang mga RBC.

Paano ginagamot ang anemia?

Nakabatay ang paggamot sa anemia sa uri ng anemia, ang sanhi nito, at ang kalubhaan ng iyong mga sintomas. Maaaring kabilang sa mga paggamot ang:

  • Mga pagbabago sa diyeta. Kabilang dito ang pagdaragdag sa dami ng ilang sustansya sa iyong diyeta, tulad ng iron, bitamina B-12, o folate. Maaari ding ireseta ng tagapangalaga ng iyong kalusugan ang mga suplementong sustansya.

  • Mga Gamot. Ginagamot ng ilang gamot ang sanhi ng iyong anemia. Tumutulong ang iba na bumuo ng mga bagong RBC o maibsan ang mga sintomas. Kung ang isang gamot ang sanhi ng iyong anemia, maaaring kailanganin mong ihinto o palitan ito.

  • Mga pagsasalin ng dugo. Maaaring mapataas ang bilang ng malulusog na RBC sa iyong katawan ng pagpapalit ng kaunti sa iyong dugo.

  • Operasyon. Sa ilang kaso, maaaring gawin ng iyong tagapangalaga ang operasyon upang gamutin ang pinakasanhi ng anemia. Kung kailangan mo ng operasyon, ipapaliwanag ng iyong tagapangalaga ang pamamaraan at ang balangkas ng mga panganib at benepisyo para sa iyo.

Ano-ano ang mga pangmatagalang alalahanin?

Kung mayroon kang isang partikular na uri ng anemia, asahan mo ang ganap na paggaling pagkatapos ng paggamot. Kung mayroon kang ibang uri ng anemia (lalo na ang uri na mayroon ka nang ipanganak ka), kakailanganin mong pamahalaan ito nang habambuhay. Masasabi sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan ang marami pa.

Online Medical Reviewer: Marianne Fraser MSN RN
Online Medical Reviewer: Rita Sather RN
Online Medical Reviewer: Susan K. Dempsey-Walls RN
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.
Powered by Krames
About StayWell